Sinunggaban ng OG ang tropeo sa ESL One Malaysia 2022 sa harap ng masayahing fans ng Southeast Asia matapos magsindi ng mainit na lower bracket run na tinuldukan ng 3-0 sweep laban sa Team Aster sa grand final.
Binawian ng Western European powerhouse squad ang Chinese team na naglaglag sa kanila sa PGL Arlington Major upang pagharian ang huling Dota 2 tournament bago ang kaabang-abang na The International 11. Ito’y kahit pa lumaro ulit sila nang may stand-in sa anyo ni coach Evgenii “Chuvash” Makarov na pinalitan muna si Mikhail “Misha” Agatov.
Inuwi ng OG ang champion’s prize na US$175,000 (PHP9.8 milyon) at malaking momentum patungo sa world championship na gaganapin sa Singapore sa Oktubre. Samantala, nakakuha naman ang Aster ng US$85,000 (PHP4.7 milyon).
Winalis ng OG ang Team Aster, 3-0, sa grand final ng ESL One Malaysia 2022
Sa Game 1, nanaig ang OG sa mga clash ngunit matibay ang depensa ng Aster sa kanilang base dahil sa mga Black Hole ng Enigma ni Lin “Xxs” Jing at malaking AOE damage na nagmumula sa Queen of Pain ni Zeng “Ori” Jiaoyang.
Pero nagawang basagin ng European team ang depensa ng kalaban sa bandang 46-minute mark sa pamamagitan ng pagsandal sa kanilang mga buyback. Nag-buyback ang buong koponan para ma-secure ang Aegis of Immortal at bumili ng ilang Aeon Disk upang lalong tumagal sa huling team fight at kalauna’y iselyo ang panalo.
Kaiba sa unang laban, maagang umarangkada ang mga core ng OG patungo sa kalamangan sa Game 2 salamat sa kanilang mga support na sina Tommy “Taiga” Le (Nyx Assassin) at Chu (Techies). Pinaharapan nila ang Puck at Phantom Assassin ng Aster.
Gayunpaman, unti-unting nakabawi ang mga core ng Chinese squad sa tulong din ng mga support na sina Ye “BoBoKa” Zhibiao (Tiny) at Yu “皮球 (pí qiú)” Yajun (Winter Wyvern). Isang Aegis steal ang ginawa ni Du “Monet” Peng (Phantom Assassin) ang nagbigay sa kanila ng oras para makapag-farm pa ng mga item.
Ngunit masyado nang masakit ang damage nila Artem “Yuragi” Golubiev (Terrorblade) at Bozhidar “bzm” Bogdanov (Ember Spirit) habang napakakunat na sa frontline ni Ammar “ATF” Al-Assaf (Mars). Bagamat nakapagtala ng rampage si Monet, hindi ito naging sapat dahil napa-dieback din siya nila ATF at Yuragi para tuldukan ang laro na tumagal nang halos 50 minuto.
‘Di na hinayaan pa ng OG na maka-comeback ang Aster sa serye at dinomina ang Game 3 sa likod ng Underlord ni ATF at Shadow Demon ni Chu. Dikit pa ang laban sa mid-game ngunit nagsimula nang sumipa ang malupit na stratehiya ng Europeans papasok ng late game.
Nakakapagbitaw ng double Rupture si Monet (Bloodseeker) sa tulong ng ni 皮球 (Grimstroke) pero nakakapag-out lang ang mga miyembro ng OG dahil sa Dark Rift ni ATF. Napawalang-bisa rin ng Aghanim’s Scepter upgrade sa Demonic Purge ni Chu ang BS dahil sa Break debuff nito.
Sa huli, pinakita ng ESL One Stockholm Major champs ang kanilang tikas sa mga team fight para tuluyang ipako ang 40-minute victory nang may 36-18 kill score.
Matapos ilaglag ng Team Secret sa lower bracket, pinatumba ng OG ang Thunder Awaken (2-1) at Fnatic (2-1). Sunod nilang binawian ang Secret sa pamamagitan ng 2-0 sweep bago iperpekto ang kanilang kampanya sa huling araw ng torneo.
Siguradong lahat ng mata ay nakatutok sa mga halimaw na bagito ng OG pagsapit ng TI11.
Para sa mga balita at guides patungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Hango ito sa artikulo ni Dexter Tan Guan Hao ng ONE Esports.