Isang himala ang kinailangan ng BOOM Esports sa ikaapat at huling araw ng The International (T11) Group Stage upang makalusot sa Main Event at iselyo ang lower bracket playoff spot.

Ayon sa respetadong Dota 2 statistician na si Ben “Noxville” Steenhuisen, 1.42% lang ang tsansa ng BOOM na makapasok sa playoffs matapos ang nakakadismayang kampanya sa unang tatlong araw ng group stage. Pero hindi nawalan ng pag-asa ang pambato ng Southeast Asia.

Nasa bingit ng pagkakalaglag, winalis nila Timothy “Tims” Randrup at kanyang tropa ang Group A top seed na Evil Geniuses upang maipuwersa ang three-way tiebreaker kung saan pinauwi nila ang Soniqs ng North America at BetBoom Team ng Eastern Europe.


Nagtala ng perpektong kampanya ang BOOM Esports sa TI11 Group Stage Day 4

BOOM Esports
Credit: BOOM Esports

Nailista ng BOOM Esports ang kanilang unang series win sa TI11 matapos patumbahin sina Pinoy star midlaner Abed “Abed” Yusop at Evil Geniuses sa iskor na 2-0. Bumida ang Enigma ni Saeiful “Fbz” Ilham at Kunkka ni Jasper “Yopaj” Ferrer habang malaki rin ang epekto ng Bristleback pick para kay Souliya “JaCkky” Khoomphetsavong sa panalo na napanatili sa kanilang pag-asa na makapasok sa lower bracket playoffs.

Dahil nakalasap ng 0-2 pagkatalo ang Soniqs sa Gaimin Gladiators at nakapaglista ng 1-1 tabla ang BetBoom Team sa PSG.LGD, nagkaroon ng three-way tie sa para sa huling playoff slot ng Group A. Kinailangan ng BOOM, Soniqs at BetBoom na magharap sa best-of-1 round robin para matukoy kung sino ang aabante sa Main Event.

Sinilaban nila Yopaj (Kunkka) at Tims (Disruptor) ang 29-4 pandudurog ng BOOM sa Soniqs sa loob ng 33 minuto. Madaling nakakapag-initiate ang SEA team at napa-punish nila ang pag-aasim ng NA squad salamat sa X Marks the Spot at Glimpse. Dala ng kanilang dominasyon sa early game, walang nakapigil sa pagratsada ng Bristleback ni JaCkky.



Dinala ng BOOM Esports ang mainit na momentum patungo sa napakaimportanteng laro kontra BetBoom. Nakaarangkada ulit ang Hungry Beasts sa early game dahil sa maagang rotation ni Fbz gamit ang Enigma.

Sa bandang 8 minuto ng laro, tinangka ng kalabang Pangolier at Marci na i-gank si Yopaj (Zeus). Agad namang nag-TP si Fbz sa Tier 1 tower at binitawan ang Black Hole upang mabaligtad ang sitwasyon at napitas pa nila ang Chen para sa 3-for-0 exchange sa mid lane.



Mula dito ay dinikta na ng BOOM Esports ang tempo ng laro. Nanaig ang koponan sa mga clash sa likod ng superyor na team fight abilities mula sa tatlong Pinoy na sina Yopaj, Tims (Tusk) at Andrei “Skem” Ong (Disruptor). Mabilis nakapag-farm ang Faceless Void ni JaCkky at nakuha ang core items na Black King Bar, Sange and Yasha at Eye of Skadi sa 31-minute mark pa lang.

Sinubukan pa ng BetBoom na makabalik at bumili pa nga ng Divine Rapier ang kanilang carry na si Nikita “Daxak” Kuzmin sa Sniper. Subalit masyado nang liyamado ang BOOM na tinuldukan ang laro bago ang 50 minuto nang may 53-15 kill score at 50K net worth advantage.



Lumapag ang BOOM Esports sa No. 8 spot sa Group A. Makakatapat nila ang reigning TI champs na Team Spirit sa do-or-die lower bracket round 1.

Ang TI11 Main Event ay magsisimula sa Huwebes, ika-20 ng Oktubre. Ang opisyal na Filipino broadcast ay ihahatid ng LuponWXC sa kanilang Facebook, YouTube at Twitch channel.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa TI11 at Dota 2.