Opisyal nang ipinakilala ng Fnatic sina Kim “Gabbi” Santos at Damien “kpii” Sau-jing bilang mga bagong miyembro ng kanilang Dota 2 roster.
Pinunan nila Pinoy carry Gabbi at Australian offlaner kpiii ang mga nabakanteng pwesto nila Polo “Raven” Fausto at Anucha “Jabz” Jirawong. Makakasama nila ang mga natirang miyembro ng koponan na sina Pinoy players Djardel “Dj” Mampusti, Armel “Armel” Tabios at Jaunuel “Jaunuel” Arcilla.
Bagamat hindi direktang inanunsyo ng organisasyon, inaasahang magiging parte na rin ang dalawang manlalaro ng Fnatic lineup para sa Dota Pro Circuit (DPC) 2023 season.
May TNC reunion sa Fnatic roster
Muling magsasama-sama ang mga dating miyembro ng TNC Predator na sina Gabbi, Armel at kpii. Kabilang ang tatlo sa Phoenix Army na sinungkit ang back-to-back championships sa ESL One Hamburg at MDL Chengdu Major noong 2019.
Tuluyang naghiwalay ang landas nilang tatlo noong nakaraang taon. Agad na napunta si Armel sa Fnatic habang sina Gabbi at kpii ay naglaro para sa magkakaibang SEA teams.
Bumida si Gabbi para sa Talon Esports at T1. Ngunit matapos ang 5th-place finish sa DPC Tour 3 Division 1 at pagpalyang makapasok sa PGL Arlington Major, pinakawalan ng T1 si Gabbi kasama si Karl “Karl” Baldovino upang bigyang-daan ang pagpasok nila 2-time The International (TI) champions Anathan “ana” Pham at Topias “Topson” Taavitsainen para sa TI11 qualifiers.
Samantala, galing naman si kpii sa Team SMG at Talon Esports. Tinulungan niya ang Talon na makapasok sa TI11 sa pamamagitan ng panalo sa SEA Regional Qualifier kontra Polaris Esports. Sa kasamaang palad, agad na nalaglag ang Talon sa TI11 group stage at nagtapos sa 17th-18th place.
Fnatic sasabak sa BTS Pro Series Season 13
Sasalang ang bagong ayos na Fnatic roster sa unang pagkakataon sa BTS Pro Series Season 13. Kakalabanin nila ang all-Pinoy team na XERXIA ngayong ika-24 ng Nobyembre, sa ganap na ika-5 sa hapon.
Masusubukan ang chemistry ng Fnatic sa 10-team tournament na tinatampok din ang Execration, Army Geniuses, Lilgun, Neon Atomic, Geek Fam, Spawn Team, Unity Gaming at Purple Paradox.
Fnatic Dota 2 roster
- (1) Kim “Gabbi” Santos
- (2) Armel “Armel” Tabios
- (3) Damien “kpii” Sau-jing
- (4) Djardel “Dj” Mampusti
- (5) Jaunuel “Jaunuel” Arcilla
Dala ang lineup na ito, aasamin ng Fnatic na makabangon mula sa kanilang 13th-16th place na resulta sa TI11 at muling pangibabawan ang SEA region pagsapit ng DPC 2023 season.
Para sa mga balita at guides patungkol sa iba’t-ibang esports titles, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.