Pinatunayan ng Tundra Esports na sila ang pinakamalakas sa buong mundo ngayon pagdating sa Dota 2.

Sinelyo ng Wester European powerhouse team ang kanilang nakakamanghang kampanya sa The International 11 (TI11) sa pamamagitan ng malinis na 3-0 sweep kontra Team Secret sa grand finals.

Sinunggaban ng koponan ang Aegis of Champions at sinungkit ang premyong hindi bababa sa US$8,489,501 o humigit-kumulang PHP493 milyon mula sa mahigit US$18 milyon na TI11 prize pool.



Itinanghal sina Tundra Esports midlaner Leon “Nine” Kirilin at carry Oliver “skiter” Lepko na royal roaders — mga manlalarong agad na nasungkit ang Dota 2 world championship sa kanilang TI debut. Nakuha naman ni Kurtis “Aui_2000” Ling ang kanyang pangalawang TI victory, nga lamang ay bilang coach ngayon kumpara noong 2015 na position-4 support siya ng Evil Geniuses.

Ito ang ikalawang TI grand finals na nauwi sa sweep sunod sa ginawa nila Lasse “MATUMBAMAN” Urpalainen at Team Liquid laban sa Newbee noong TI7.

Kitang-kita ang dominasyon ng Tundra sa kompetisyon dala ng kanilang superyor na hero drafting, matinik na team fight ability at malupit na individual skills.


Nagpamalas ang Tundra Esports ng perpektong laro kontra Team Secret sa grand finals ng TI11

Tundra Esports ang kampeon sa TI11
Credit: Valve

Ipinakita ng Tundra Esports ang kanilang malawak na hero pool sa naturang serye laban at ginamit ito para lumamang agad laban sa Team Secret sa drafting pa lang.

Sa Game 1, sumandal ang Tundra sa Naga Siren ni skiter sa late game. Pero ang maituturing na unsung hero ay ang Tidehunter ni Neta “33” Shapira. Maaga siyang nakakuha ng Wraith Pact, Pipe of Insight at Mage Slayer kaya naman hindi siya mapatumba ng cores ng Secret na Leshrac, Pudge at Enigma.

Sa isang mahalagang clash sa Roshan pit, naibigay ni 33 ang Aegis of Immortal sa kanyang koponan sa pamamagitan ng pagbitaw ng kanyang Ravage sa eksaktong pagkakataon. Matapos nito, umariba na ang Tundra tungo sa unang panalo.



Sinubukan ng Team Secret na itabla ang serye sa pamamagitan ng pag-pick ng signature Morphling ni Michał “Nisha” Jankowski. Tinapatan naman ito ng Tundra Esports ng unorthodox Arc Warden ni Nine.

Mas dikdikan ang bakbakan sa Game 2 dahil nahahanap ng Secret ang Chaos Knight ni skiter. Ngunit si Nine talaga ang nagsilbing totoong carry sa laro at nagpakawala ng matinding damage, salamat na rin sa support Marci ni Martin “Saksa” Sazdov.

Pagkatapos manaig sa magkakasunod na team fights, kinontrol na ng Tundra ang buong mapa at naipit ang Secret sa kanilang base. At dahil sobrang taba na ni Nine, nagawa nilang makipagsagupaan sa loob ng base ng kalaban. Nagdesisyon si Nisha na bumili ng core item imbes na magtabi ng pang-buyback at napitas siya ng Tundra na nag-resulta sa pag-arangkada nila sa 2-0 kalamangan.



Pagdako ng Game 3, tinangka ng Team Secret na patikimin ang Tundra Esports ng sarili nilang gamit. Ninakaw nila ang Naga para kay Arets “Crystallis” Remco pero hindi ito umubra sa tindi ng team fighting ability ng Tundra.

Napigilan ni Nine sa kanyang Pangolier ang mga kalabang supports na gumawa ng plays habang sina skiter (Medusa) at Saksa (Tiny) naman ang nakatutok sa ibang kalaban. Napasakamay din ni Wu “Sneyking” Jingjun ang kanyang Mirana na nagpadali sa rotation ng Tundra sa mapa gamit ang Moonlight Shadow ultimate.

Pumalya ang Secret na i-contest ang Roshan sa bandang 34 minuto at nahuli sila ng Tundra sa labas ng pit matapos kuhanin ang Aegis of Immortal.



Nanatiling disiplinado ang Tundra Esports at lalong pinalaki ang kanilang net worth lead habang sinisiguro ang core items para tuluyang matuldukan ang serye. Matapos manaig sa mga sumunod na clash, nagmartsa na sila diretso sa Dire base at binasag ang Ancient ng Secret para iselyo ang 3-0 sweep at iangat ang Aegis of Champions sa harap ng masiglang Southeast Asian crowd sa Singapore Indoor Stadium.


TI11 champion roster ng Tundra Esports

  • Oliver “skiter” Lepko
  • Leon “Nine” Kirilin
  • Neta “33” Shapira
  • Martin “Saksa” Sazdov
  • Wu “Sneyking” Jingjun
  • Kurtis “Aui_2000” Ling (coach)

Ito ang kauna-unahang kampeonato ng organisasyon sa The International at ikalima naman para sa Wester European region sunod sa Alliance, Team Liquid at back-to-back victories ng OG.

Para sa mga balita patungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Hango ito sa artikulo mula sa ONE Esports.


BASAHIN: MATUMBAMAN sa kanyang retirement pagkatapos ng TI11: ‘No matter what happens, I’m going to be happy’