Sinagasaan ng Gaimin Gladiators ang kumpetisyon at kinumpleto ang 12-game winning streak para iuwi ang tituol ng Lima Major, ang unang titulong nakalawit ng organisasyon sa isang Valve event.
Pinatumba ng Western Europeans ang mga karibal mula Team Liquid sa grand finals para maibulsa ang US$200,000 (lampas PhP 11 Million) katuwang ng 400 Dota Pro Circuit points.
Bago i-set up ang WEU bakbakan, kinailangan munang daanan ng Gladiators sa upper bracket ang ang matitikas na Team Aster, Entity at Liquid ng dalawang pagkakataon.
Dismayado ang fans sa gumulong na final showdown dahil sa pagkawala ni Samuel “Boxi” Svahn na lumiban sa dalawang playoff series dahil sa medical emergency na nag-udyok para mag-stand-in ang analyst ng Liquid na si Mathis “Jabbz” Friesel.
Gaimin Gladiators winalis ang Liquid para makalawit ang tropeyo ng Lima Major
Pinangunahan ng Timbersaw ni Quinn “Quinn” Callahan at ng Primal Beast ni Marcus “Ace” Christensen ang Gaimin Gladiators para makuha ang early game tempo sa unang mapa. Hindi napigilan ng malambot na lineup ng Liquid ang ratsada ng dalawang makunat na cores na nagbigay-daan para makapondo ang kanilang carry Lina.
Bagamat greedy ang naging timpla ng Gladiators sa laro ay hindi nagawang ma-punish ng Liquid ang abanse ng kalaunan ay mga kampeon. Kinulang ang damage output ng cores ng Liquid para baliktarin ang laban at nang patumbahin ni Anton “dyrachyo” Shkredov ang limang miyembro ng team sa fountain ay naging mas malinaw kung sino ang nanaig sa mapa.
Ipinagpatuloy ni Quinn ang dominasyon sa game two kung saan nagwala ang kaniyang midlane Pangolier para tapusin ang laban sa dominanteng 27-6 kill score.
Pagdako naman ng game three, isinalang ng dalawang teams ang niche picks. Nasaksihan sa larong ito ang offlane combo ng Gaimin Gladiators tampok ang Witch Doctor at Io, habang ang Liquid naman ay pinagana ang kanilang mid Ancient Apparition para makontra ang sustain ng kalaban. Katuwang nito, inilagay din ng Liquid ang Earthshaker sa offlane at ang pinagana ang Tiny sa safelane para sa malaking kalamangan sa team fight.
Hindi naging maganda ang resulta para sa off-meta picks at lumabas na mas epektibo ang Tusk ni Quinn na dinomina ang lane kontra sa AA ni Nisha. Sumandal ang Gaimin Gladiators sa abante ng kanilang midlaner na umikot at ginambala ang ibang lanes para mabigyan muli ng espasyo ang Lina ni dyrachyo na libreng makapag-farm.
Napagana din ng team ang WD-Io combo na nakakuha ng stacks pagdako ng midgame, ngunit hindi pinayagan ng Liquid na ito ang maging mitsa ng kanilang pagkagapi sa krusyal na game three.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Liquid na makuha ang kritikal na team fightwin sa pamamagitan ng pag-chain-stun sa Lina, ngunit sa puntong ito ay ipinakita ding ng Gladiators ang dulas ng kanilang strat.
Bagamat nakatakas ang Liquid sa ilang panalo sa skirmishes, hindi nila nagawang pigilan ang WD-Io healing na tumulak sa kanila para mag-disengage. May mga pagkakataon mang nakita ang Liquid sa teamfights gamit ang Toss backs at solid crowd control, walang naging sagot ang team sa agresibong atake ng Gladiators na nagpagulong ng punish sa smoke play ng Liquid.
Ito na ang nag-udyok para isuko na ng team ang laban, at gawing opisyal ang pagwawagi ng Gaimin Gladiators sa Lima Major.
Para sa iba pang balita ukol sa Dota2, sundan lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: 3 Tips para maging magaling na Dota 2 support player