Tinamaan ng kamalasan ang Royal Never Give Up (RNG) sa kanilang kampanya sa The International 11 (TI11).
Ang kanilang star midlaner na si Lu “Somnus” Yao kasi ay nagpositibo sa COVID-19 matapos sumailalim sa dalawang PCR tests, ayon sa anunsyo ng RNG mismo sa Weibo. Naospital ang manlalaro simula nito.
Naglabas ulit ng Weibo update ang Chinese organization bago ang kanilang huling serye sa Group Stage Day 3 at kinumpirma dito na tatlo pang manlalaro at staff members ang nagpositibo rin sa COVID.
Dahil sa pagkawala ni Somnus, napuwersa ang RNG na i-forfeit ang isang laro kontra PSG.LGD
Napilitang i-forfeit ng RNG ang Game 2 ng kanilang serye laban sa kapwa Chinese team na PSG.LGD. Dahil naipanalo ng LGD ang unang laban sa loob lang ng halos 28 minuto, nakuha nila ang 2-0 sweep na nagpatuloy sa kanilang pag-angat sa Group A. Nanatili pa rin naman sa top 4 ng pangkat ang RNG sa kabila ng default loss sa LGD.
Bumalik si Somnus sa paglalaro laban sa Hokori. Ngunit nakalasap sila ng 0-2 upset sa kamay ng South American qualifiers squad matapos ang napakahabang serye na tumagal nang halos dalawang oras.
Sa isa na namang Weibo update bago ang kanilang huling serye sa Day 3 kontra Evil Geniuses, kinumpirma ng RNG na nagpositibo rin sa COVID-19 ang iba pa nilang manlalaro maliban kay hard support Yap “xNova” Jian Wei.
Bukod pa sa apat na players, COVID positive din sina coach Su “Flyby” Lei, team leader Liu Junyu at general manager Lu Hao.
“RNG Dota 2 Division players Ghost (Chen Guokang), Chalice (Yang Shenyi), Kaka (Hu Liangzhi), flyby (Su Lei), general manager Stms (Lu Hao), team leader Junyu (Liu Junyu) after nucleic acid testing abnormal test results, confirmed positive by the second nucleic acid test, the subsequent players in the isolation room to participate in training and competition normally,” pahayag ng RNG.
“The club will also work with officials to strictly abide by various epidemic prevention measures and do a good job of health monitoring. Thank you fans for your concern, and our frontline staff will definitely do our best to take care of our players!”
Malaking dagok ito sa pag-aasam ng RNG na makapasok sa upper bracket playoffs. Sa unang dalawang araw, nasa tuktok sila ng Group A hawak ang 9-1 kartada at paborito pa ngang magtapos bilang top seed. Ngunit magiging mahirap na ito dahil sa hinaharap nilang sitwasyon.
Para sa mga balita patungkol sa TI11 at Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.