Palapit na nang palapit ang katuparan ng pangarap ni Tier One Entertainment co-founder at CEO Tryke Gutierrez na bumuo ng Blacklist Dota 2 team.

Ibinalita ni Tryke sa kanyang opisyal na Facebook page nitong Huwebes ng gabi na nakuha na ng Tier One ang Dota Pro Circuit (DPC) slot ng Singaporean organization na RSG sa Southeast Asia Division 1 para sa DPC 2023 season. Pinasalamatan din niya ang CEO at founder ng RSG na si Jayf Soh para sa matagumpay na proseso ng paglipat.

Ang susunod na hakbang na ngayon para kila Tryke at Tier One ay kumuha ng mga manlalaro na bubuo sa Blacklist Dota 2, na tatangkaing gayahin ang tagumpay ng kanilang Mobile Legends: Bang Bang division.

Tryke Gutierrez Facebook post patungkol sa Blacklist Dota 2
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Posibleng maging all-Pinoy team ang Blacklist Dota 2

Nauna nang ipinahayag ni Tryke ang kanyang kagustuhan na bumuo ng “PH redeem team” na ibabandera ang Blacklist Dota 2.

Maraming Pinoy professional players ang naghahanap ngayon ng koponan kasabay ng nagaganap na roster shuffle sa Dota 2 scene matapos ang The International 11 (TI11) sa Singapore.

Dota2 Kuku T1 TI10 Main Stage Playoffs
Credit: Valve

Ilan sa mga matunog na pangalan sa larangan ng PH Dota sina dating T1 captain-offlaner Carlo “Kuku” Palad at midlaner Karl “Karl” Baldovino. Dati nang naglaro si Karl para sa development squad ng Tier One na Team Amplfy noong 2019.

Free agents din sa ngayon sina Abed “Abed” Yusop, Timothy “TIMS” Randrup, Polo “Raven” Fausto, Jasper “Yopaj” Ferrer, Nico “eyyou” Barcelon, Rolen “skem” Ong, at iba pang mga talentadong manlalaro. Nandyan din si Kim “Gabbi” Santos, ngunit kukunin umano siya ng Fnatic, ayon sa source ng ONE Esports.


Paano nga ba nalilipat ang DPC slot?

Credit: Valve

Base sa DPC FAQ na nasa opisyal na website ng Dota 2 at huling in-update noong ika-14 ng Oktubre, ang isang DPC slot ay pagmamay-ari ng isang tao na nakarehistro bilang admin ng isang partikular na koponan.

Para sa isang esports organization, ang admin na ito ay maaaring ang manager o isang tao na kinakatawan ang organisasyon. Para naman sa ibang kaso tulad ng mga koponang binuo ng isang grupo ng mga manlalaro o tinatawag ding “stack”, maaaring ang admin ay ang kapitan ng koponan, isang partikular na manlalaro o neutral third party.

Posibleng ilipat ang pagiging admin papunta sa ibang tao sa kahit anong panahon. Pwede ring kunin ang isang rehistradong team roster ng isang organisasyon o ibang organisasyon (kung mayroon na sila noong una) at ilipat ang admin sa ibang tao na kinatawan ng organisasyon.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Sa kaso ng RSG at Tier One, posibleng binili ng Pinoy org ang slot ng Singaporean org sa DPC SEA Division 1 upang malipat ito sa kanila at simulan ang Blacklist Dota 2. Gayunpaman, walang konkretong impormasyon na inilabas patungkol dito.

Nagsimulang sumabak ang RSG sa Dota 2 noong DPC Tour 2 at nagwagi sila sa Open Qualifier upang makuha ang isang slot sa Division 2. Pinangibabawan ng koponan ang Division 2 at na-promote sa Division 1 kasama ang Talon Esports pagdating ng Tour 3.

Credit: RSG

Sa DPC Tour 3 SEA Division 1, nagtapos ang RSG sa 4th place at kinapos lang na makakuha ng spot sa PGL Arlington Major. Kamuntikan na rin silang makalusot sa TI11 Last Chance Qualifier, ngunit winalis sila ng Polaris Esports sa lower bracket semifinal ng SEA Qualifier.

Noong ika-15 ng Oktubre, nagdesisyon ang RSG na i-release ang kanilang buong Dota 2 squad.

Para sa mga balita patungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Evil Geniuses ni-release ang Dota 2 roster, bubuo ng super team sa South America