Nakatakdang kunin ng Fnatic sina Pinoy pro Kim “Gabbi” Santos at Australian player Damien “kpii” Sau-jing upang kumpletuhin ang kanilang Dota 2 roster para sa darating na Dota Pro Circuit (DPC) 2023 season, ayon sa isang source na nakausap ng ONE Esports.
Maaaring palitan ng dalawang Southeast Asian free agents sina Pinoy carry Marc “Raven” Fausto at Thai offlaner Anucha “Jabz” Jirawong, na kamakailan lang ay ni-release ng organisasyon matapos ang The International 11.
Posibleng makasama muli nila Gabbi at kpii ang dati nilang kakampi sa TNC Predator na si midlaner Armel “Armel” Tabios, maging ang iba pang Pinoy standouts na sina Djardel “Dj” Mampusti at Jaunuel “Jaunuel” Arcilla.
Pwedeng sina Gabbi at kpii na ang mga bagong miyembro ng Fnatic
Pagkatapos lumapag sa 13th-16th place sa TI11, gumawa ang Fnatic ng ilang pagbabago sa kanilang Dota 2 roster. Namaalam na ang koponan kila Jabz at South Korean coach Lee “SunBhie” Jeong-jae noong ikaapat ng Nobyembre, at kay Raven naman matapos ang isang linggo.
Mataas ang tsansang si Gabbi ang pupuno sa carry position habang si kpii naman ay posibleng magpatuloy sa paglalaro ng offlane position na hinawakan niya sa Talon Esports. Gayunpaman, maaari ring magsilbi siyang coach ng koponan, base na rin sa tweet niya noong ika-3 ng Nobyembre.
Sasali ang dalawa sa prestihiyosong organisasyon sa gitna ng napakahalagang sandali sa kanilang mga karera. Noon naglalaro pa sila sa ilalim ng TNC Predator, nagwagi sila ng back-to-back tournaments matapos maghari sa ESL One Hamburg at MDL Chengdu Major noong 2019.
Subalit nahirapan na silang makakuha ng parehong tagumpay mula noon. Sa halip, nagpalipat-lipat sa iba’t-ibang SEA teams sina Gabbi at kpii sa nakalipas na dalawang taon, kabilang na dito ang Team SMG, Talon at T1.
Ang posibleng Dota 2 roster ng Fnatic para sa DPC 2023 season
- Kim “Gabbi” Santos
- Armel “Armel” Tabios
- Damien “kpii” Sau-jing
- Djardel “DJ” Mampusti
- Jaunuel “Jaunuel” Arcilla
Dala ang solidong lineup na ‘to, maaaring makamit ng Fnatic ang tamis ng tagumpay na nakuha nila Gabbi at kpii sa TNC Predator. Bagamat kailangan nilang bumawi at magpakita ng mas magandang resulta kumpara sa kanilang kampanya sa DPC 2022 kung nais nilang manatiling angat sa kompetisyon.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang mga balita patungkol sa Dota 2.
Ito’y pagsasalin ng akda ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.
BASAHIN: Nais ni Tryke na bumuo ng ‘PH redeem team’ para sa Blacklist International Dota 2