Sinelyo ng SIBOL Dota 2 ang pilak na medalya matapos mabigo sa host team Indonesia, 2-3, sa grand finals ng International Esports Federation World Esports Championship 2022 (IESF WEC 2022).

Nakakabilib na kampanya ang ipinamalas ng pambato ng Pilipinas upang lumapag sa 2nd place ng 29-squad global tournament at iuwi ang US$30,000 o PHP1.6 milyon na premyo.

Pinitas nila ang No. 2 spot laban sa anim na bansa sa group stage sabay sinagasaan ang Uzbekistan, Australia at Thailand sa play-ins para makausad sa final stage. Dito ay pinadapa nila ang Kazakhstan, Indonesia at Laos sa upper bracket at kinuha ang unang slot sa gold medal match.

Subalit kinapos ang mga Pinoy kontra Indonesians sa inantabayanang rematch kung saan nagpasiklab si Talon Esports midlaner Rafli “Mikoto” Rahman para pangunahan ang home team sa dikdikang grand finals na umabot sa Game 5 decider.


Nakuha ng SIBOL Dota 2 ang silver medal sa IESF WEC matapos kapusin laban sa Indonesia

Silver medalist ang SIBOL Dota 2 sa IESF WEC 2022
Credit: SIBOL

May default 1-0 lead na agad ang SIBOL Dota 2 bilang upper bracket winner ngunit pinawalang-bisa ito ng Indonesia sa pamamagitan ng dominasyon sa Game 2. Pero tulad sa mga nagdaang laban, tila nagpapainit lang ang kinatawan ng Pinas.

Sa likod ng Terrorblade ni star carry Eljohn “Akashi” Andales, sinupalpal ng mga Pinoy ang tangka nila Matthew “Whitemon” Filemon at Indonesia na mag-comeback mula sa 17K net worth deficit sa Game 3. Inubos nila ang host squad sa huling clash bago rumekta para kunin ang 60-minute victory.



Subalit napuwersa ng Indonesia ang Game 5 matapos mautakan ang SIBOL Dota 2 sa drafting phase. Pumili ng Slark sila coach Mark Angelo “Kassiel” Magallanes para kay Akashi bilang panapat sa Beastmaster ngunit binigla sila ng last-pick Phantom Lancer para kay Randy “Dreamocel” Sapoetra.

Napahirapan si Akashi sa bot lane dahil imbes na Mirana ay Crystal Maiden ni Whitemon ang sumama sa Beastmaster. Bagamat lumamang ang Pinas sa kill score sa early game, ‘di nila ito nako-convert sa objectives habang patuloy ang pagpapalawak ng Indonesia sa map control at vision patungo sa panalo sa loob ng 31 minuto.



Liyamado ulit ang SIBOL Dota 2 sa early game pagsapit ng championship decider dahil sa mga rotation ng mid Tusk ni Charles Lewis “Lewis” Delos Santos na nagbigay ng space para sa Sniper ni Akashi na makapag-farm. Sa 20th minute, pinitas ng mga Pinoy ang Ember Spirit ni Mikoto sa mid at sinunod ang iba pang miyembro ng Indonesia para makuha ang unang Roshan.

Ngunit pagdating sa laban para sa pangalawang Roshan sa 35th minute, ninakaw ni Mikoto ang Aegis of Immortal at dinikitan si Akashi hanggang sa mapatumba ito.



Umarangkada na sina Mikoto at kanyang trophan mula dito. Sa mga sumunod na team fight, walang makapigil sa paglusob ng 22-year-old midlaner sa backline ng SIBOL Dota 2 habang ang Lone Druid ni Dreamocel ang tiga-basag ng mga tore.

Tinuldukan ng Indonesia ang napakahabang serye matapos ang 42 minuto nang tamaan ni Mikoto ng Searing Chains na sinundan naman ng pana ni Whitemon (Mirana) ang walang buyback na si Akashi.



Tinanghal na Finals MVP si Mikoto at naibulsa ng Indonesia ang top prize na US$50,000 o nasa PHP2.7 milyon.

Para sa iba pang balita patungkol sa SIBOL national esports team, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.