Pinatunayan ni Fnatic star midlaner Armel “Armel” Tabios ang lakas ng Pinoy pagdating sa 1v1 solo mid gamit ang Shadow Fiend nang daigin niya si Nigma Galaxy counterpart Syed Sumail “SumaiL” Hassan sa kakaibang tiebreaker match sa ESL One Malaysia 2022.
Nagharap ang dalawa sa 1v1 solo mid tiebreaker para sa upper bracket spot matapos magkaroon ang Fnatic at Nigma Galaxy ng tablang 5-5 record game win-loss record (1-3-1 series win-draw-loss), 1-1 score sa kanilang head-to-head at parehong bilang ng 2-0 panalo sa Group B.
Kahit itinuring na dehado laban sa tinaguriang “The King” ng mid lane, pinakita ni Armel na siya ang hari pagdating sa kanyang teritoryo na SEA.
Armel pinaluhod si SumaiL sa 1v1 mid SF tiebreaker
Bago magsimula ang 1v1 match, nag-veto muna ng heroes sina Armel at SumaiL. Tinanggal nila sina Leshrac, Batrider, Pudge, Crystal Maiden at Queen of Pain, at ang natira ay si Shadow Fiend. Para naman manalo sa laro, kailangan lang makatala ng dalawang kills o mabasag ang unang tore.
Lumamang sa last hits ang Pinoy pro sa unang wave ng creeps pero agad namang nakabawi si ang Pakistani-American player. Ngunit bumili si SumaiL ng Bottle at inakalang may water runes sa 2-minute mark. Base sa rules ng 1v1 Solo Mid game mode, ang unang set ng runes ay hindi mag-i-spawn.
At dahil kumuha si Armel ng Healing Salve at ilang Enchanted Mango sa halip na bote, lumamang siya sa sustain at ilang saglit lang ay inilista ang first blood sa kabila ng net worth advantage ni SumaiL.
Sa pagbalik ni SumaiL, nagbunga na ang investment niya sa bote nang lumabas ang water runes sa 4-minute mark. Pero masyado nang liyamado si Armel sa XP at level, at buo na rin ang kanyang Magic Wand na may kasama pang Gauntlents of Strength, Circlet para sa dagdag stats at isang Enchanted Mango para sa kaunting HP regen at instant mana.
Kinuha ng Pinoy ang Requiem of Souls ultimate pagsapit niya ng Level 6 at binitaw ito sa mukha ng dating child prodigy upang tuldukan ang 1v1 tiebreaker sa 5:49 mark at buhatin ang Fnatic patungo sa upper bracket ng ESL One Malaysia.
Sa post-game interview ng kwelang sideline reporter na si Jake “SirActionSlacks” Kanner, nagbigay ng mainit na mensahe si Armel.
“Don’t play 1v1 against me guys,” wika niya.
Sa kasamaang palad, natalo ang Fnatic sa kamay ng Aster, 2-1, sa upper bracket first round. Gayunpaman, naging makasaysayan pa rin ang tagumpay ni Armel kontra kay SumaiL dahil nagbalik ang 1v1 solo mid sa competitive scene matapos ang mahigit apat na taon mula noong huli itong nasaksihan sa Dota 2 Asia Championships (DAC) 2018.
Sunod na makakalaban ng Fnatic sa lower bracket round 2 ang mananalo sa pagitan ng Entity at TSM FTX. Nakatakdang ganapin ang best-of-3 series mamayang ika-7 ng gabi. Mapapanood ito sa Twitch channel ng ESL Dota 2 habang ang Filipino broadcast ay hatid ng LuponWXC.
Para sa mga balita at guides patungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.