Halos kasingkahulugan na ng salitang esports ang South Korea. Pinasikat ng matibay na Starcraft scene nito noong 1990s ang bansa sa mundo ng esports sa pamamagitan ng mga laban na nila-livestream at pinapanood ng lumalagong audience.
Naging interesado rin ang isang 17-year-old Heechul ng Super Junior sa esports noong 1999 matapos niyang makapanood ng Starcraft sa OnGameNet (OGN) na isa sa pinakakilalang South Korean cable television channel noon na nagbo-broadcast ng video games at esports.
Sa eklusibong panayam na ito ng ONE Esports, sinariwa ni Heechul kung ano pakiramdam na ma-experience ang esports sa South Korea at inalala niya rin ang mga naging kaibigan niya sa industriya.
Ang esports experience ni Heechul ng Super Junior sa South Korea
Nagpakita ng matinding interes ang K-pop idol sa esports sa mga nagdaang taon at dahil dito nagkaroon siya ng mga kaibigang professional player tulad nila Park “Reach” Jeong-seok, Kang “Nal_rA” Min, Hong “YellOw” Jin-ho at caster Chun Yong-jun, at marami pang iba.
Sa mga talent na ito, sinabi ni Heechul na naging pinaka-close niya si Reach, na eksperto sa paglalaro ng Protoss noong Brood War days at talaga namang popular noon.
“He’s currently working as the general manager for Fredit Brion,” explained Heechul. “This is why I invested in that team.”
(Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang general manager ng Fredit Brion. Kaya naman nag-invest ako sa koponan na ‘yon.)
At kamakailan lang, nakita siyang kumakain ng hapunan kasama ang maalaman na League of Legends player na si Lee “Faker” Sang-hyeok ng T1.
Noong nakaraang taon lang, nagsilbi silang guest sa popular na television talk show na “Radio Star”. Ayon kay Heechul, pumunta siya sa event dahil tinawagan siya ng isa sa mga writer ng show para alamin kung pwede ba siya sa Pasko at sabihin na dadalo si Faker.
“Even before he finished his sentence, I told him that I’d be there no matter what,” kwento ni Heechul. (Bago pa niya matapos ang kanyang sasabihin, sinabi ko na agad sa kanya na darating ako anuman ang mangyari).
Bagamat patuloy na lumalaki ang esports scene sa South Korea, naniniwala si Heechul na kailangan pa ring magkaroon ng pagbabago sa mainstream perception ukol dito.
“There’s a strong social trend of looking down on things like anime and games. That disdain extends not only to such fields themselves, but even to the people who enjoy such things. It’s still socially acceptable for people to make belittling statements like ‘it’s just a game’ or ‘it’s just a comic book’.”
(May malakas na social trend na mababa ang tingin sa mga bagay tulad ng anime at games. Ang pangmamata na ito ay hindi lang nakakapekto sa mga mismong industriya na ‘to ngunit pati na rin sa mga taong nag-e-enjoy dito. Hanggang ngayon ay tinatanggap pa rin ang mga mapanlait na mga pahayag tulad ng ‘laro lang ‘yan’ o ‘comic book lang ‘yan.)
Kahit na lumaki siya sa isang edukasyon kung saan tinuturo na lahat ng propesyon at kagustuhan ay karapat-dapat na irespeto, kabaligtaran ito ng nangyayari sa realidad.
“A lot of people still think it’s fine to look down on and demonize gaming and esports, despite their being legitimate industries and valuable hobbies,” dagdag pa ni Heechul.
(Marami pa ring tao ang nag-iisip na ayos lang na matahin at i-demonize ang gaming at esports kahit pa lehitimong mga industriya at mahalagang hobbies na ang mga ito.)
Kaya naman mataas ang respeto ni Heechul sa Starcraft pro player na si Lim “SlayerS_BoxeR” Yo-hwan na nagsilbing pioneer at icon ng buong esports industry sa South Korea.
“BoxeR proved through example that the tournaments he and his contemporaries were competing in deserved to be taken as a legitimate cultural product. Shouldering that kind of mantle must have been incredibly tough,” paliwanag ni Heechul.
(Pinatunayan ni BoxeR na ang mga torneo at iba pang event ay dapat tingnan bilang lehitimong cultural product. Marahil mahirap na pasanin iyon.)
Mula naman sa pagsikat ng League of Legends, si Faker ay nagsilbing simbolo ng esports hindi lang sa South Korea kundi sa buong mundo.
“If I were to very cautiously offer a K-pop analogy, I’d compare BoxeR to Seo Taiji and Boys, and Faker to BTS,” sabi ni Heechul .
(Kung maingat akong magbibigay ng K-pop analogy, ikukumpara ko si BoxeR kay Seo Taiji at Boys, at si Faker naman sa BTS.)
Subaybayan ang gaming adventures ni Heechul sa kanyang YouTube channel at sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga esports news, updates, guides at marami pang iba.
Pagsasalin ito ng akda ni Amanda “Tania Mae” Tan ng ONE Esports.