Tanda ng pagiging pinakamagaling na koponan sa isang turneo ang pag-angat at pag-uwi ng esports trophies, mapa-MVP trophy o championship trophy man ito. 

Hindi na halos mabilang ang ating mga nasaksihan pero may iilang tropeo ang tumatak sa ating isipan dahil sa kakaibang disenyo nito. Ito ang listahan ng lima sa pinaka-unique na esports trophies.

Ang glove ni Ezreal na ginawang trophy sa League of Legends: Wild Rift SEA Icon Series

Esports Trophies: Ezreal Gloves, Wild Rift SEA Icon Series Vietnam
Credit: SBTC Esports

Kung may Infinity Gauntlet ang Marvel Cinematic Universe, na ginawa ring MVP trophy ng EPICENTER XL, may Ezreal gauntlet naman ang League of Legends: Wild Rift SEA Icon Series Vietnam.

Ginawa at dinisenyo sa Vietnam, nakaluklok ngayon ang tropeo sa bootcamp ng SEA Icon Series Vietnam champions na SBTC Esports.

Ang lumalagablab na trophy ng Valorant: First Strike

Esports Trophies: Valorant: First Strike
Credit: Riot Games

Ang kauna-unahang trophy ng professional tournament ng Valorant ay hango sa apoy, simbolo ng mainit na pagtanggap ng komunindad sa bagong laro.

Ang Valorant trophy na ito ay dinisenyo ni Nicholas Fair, ang parehong tao sa likod ng mga esports trophies ng LCS, the Call of Duty League, pati na rin ang Arena of Valor World Cup.

Kabilang ang 100 Thieves, Team Heretics, at Vision Striker sa mga koponan mula sa buong mundo ang nakapag-uwi ng espesyal na tropeong ito.

Ang pinaka-aasam na Summoner’s Cup ng League of Legends World Championship

Esports Trophies: Summoner's Cup
Credit: Riot Games

Simula 2012, simbolo na ng League of Legends World Championship ang Summoner’s Cup. Isa ito sa pinakamalaki at pinakamabigat na esports trophies sa buong mundo dahil tumitimbang ito ng higit-kumulang 31 kilo.

Ang nagdisenyo sa Summoner’s Cup ay si Thomas Lyte, kilala bilang ekspertong trophy maker sa London. Ilan sa kanyang mga gawa ay matatagpuan din sa Royal Household.

Kahit ang tropeong ito mismo ay hindi na bago sa kabunyian. Noong huling dalawang Worlds, dumating ang Summoner’s Cup kahon-kahon ng Louis Vuitton.

Ang immortality na ibinibigay ng Aegis of Champions

Esports Trophies: Aegis of Champions
Credit: Valve

Sa Dota 2, ang Aegis of Immortality ay makukuha matapos patayin si Rohan. Mabibigyan ang ang makakuha nito ng isa pang buhay, kung ito man ay mamatay sa loob ng limang minuto.

Sa The International, ang taunang world championship ng naturang esports title, ini-immortalize ng Aegis of Champions ang isang koponan sa kasaysayan ng Dota 2 bilang kampeon habang buhay.

Yari mula sa bronze at silver ang Aegis of Champions. Ito ay ginagawa mula pa sa New Zealand ng Weta Workshop, ang parehong production house na kilala rin sa kanilang gawa sa The Lord of the Rings trilogy.

Trophy? Eh kung ONE Championship belt na lang?

Esports Trophies: ONE Esports Championship belt
Credit: ONE Esports

Hindi gaya ng tipikal na esports trophies ang ONE Championship trophy. Dinisenyo ni Muhammad Shakir, creative designer ng ONE Championship, umaayon ang tropeo sa kultura ng mixed martial arts at nag-anyo bilang championship belt.

Ayon kay ONE Esports CEO Carlos Alimurung swak din daw ang belt bilang esports trophy dahil, “the same qualities it takes to be a champion in physical sports are the same qualities it requires to be a champion in esports.”

Invictus Gaming ang huling koponan na nag-uwi ng belt matapos ang kanilang tagumpay sa ONE Esports Singapore Major 2021 nitong taon.