Winalis ng Call of Duty Mobile Pinoy pro team na Blacklist International Ultimate ang WDC.Freeslot ng Thailand para sungkitin ang third place sa Call of Duty Mobile World Championship 2021- Garena.
Bagamat hindi sila nakapasok sa CODM World Championship matapos matalo sa Dunia Games Esports ng Indonesia, 3-2, hindi pa sila tapos sa kanilang layunin maging kampeon.
Sabi ni Tin ng Blacklist International Ultimate, sila ay nagpapasalamat sa kanilang mga fans na hindi sumuko sa pagsuporta sa kanila.
“Etong journey namin as a team ay nagsisimula pa lang at hindi pa dito nagtatapos ang laban namin,” ani ni Tin.
Pinangako rin ni Tin na hindi pa dito nagtatapos ang kanilang laban.
Para naman kay JaBen, magpupursigi sila para maging mas mahusay na CODM team.
“On behalf of the team I would like to thank our supporters — this can be the parents, grandparents, boyfriends, girlfriends, and children for their never ending support. We will come back as a better team,” ani ni JaBen.
“Sa mga sumusuporta at naniniwala sa amin, ipapangako namin sainyo na babawi kami sa mga upcoming majors and events,” sabi niya.
Sabi naman ni Flex ng Blacklist, kaya nila narating ang puntong ito sa tournament ay dahil sa kanilang mindset na magpursiging manalo at syempre, ang walang-sawang suporta ng kanilang mga fans.
“Salamat sakanila dinala nila ako sa pangarap,” sabi ni Flex.
Blacklist International Ultimate vs WDC.Freeslot match results
Hardpoint Round, 150 (Blacklist International Ultimate) – 134 (WDC.Freeslot)
Pinarusahan ng Blacklist ang kanilang mga Thai na kalaban sa Hardpoint round para makuha ang panalo sa Firing Range na mapa.
Si Tin ang nanaig na MVP sa round na ito sa kaniyang 36/24/6 KDA.
Search and Destroy Round, 6 (Blacklist International Ultimate) – 3 (WDC.Freeslot)
Bagamat sinubukan lumaban ng WDC.Freeslot sa SND round, hindi ito pinayagan ng Blacklist bilang Attackers sa unang parte ng round. Sa score na 3-2 bago ang switch, pinagpatuloy na ng Blacklist ang kanilang momentum para mapanalo ang round na ito.
Si Skerd ang naging MVP sa SND round sa kaniyang 12 kills.
Domination Round, 150 (Blacklist International Ultimate) – 111 (WDC.Freeslot)
Talagang hindi na naawa ang Blacklist sa WDC.Freeslot at hindi nila pinagbigyan makakuha ng isang round ang mga Thais.
Matinding hinold ng Blacklist ang kanilang mga points, para tapusin ang labanan nang may 39-point lead laban ang WDC.Freeslot.
Si JaBen naman ang nagtagumpay bilang MVP sa Domination round sa kaniyang 31/22/15 KDA.