Hindi basta-basta isinuko ng Smart Omega ang championship title na kanilang napagtagumpayan sa Garena Masters Season 2, dahil muli nilang sinelyo ang kampeonato sa Garena Masters Season 3, na ginanap noong ika-12 hanggang ika-14 ng Agosto.
Matapos mapwersa ng kanilang karibal na Blacklist Ultimate ang isang winner-take-all na game 5, hindi nagpatalo ang Smart Omega sa last match na Search and Destroy sa Summit. Nakuha nila ang pinaka-aasam na panalo matapos ang clutch triple kill ni Ronan Arkie “Rage” Eleria kontra sa mga miyembro ng Blacklist.
Isang ‘unexpected win’ para sa Smart Omega
Sa kabila ng pagkilala sa kanila bilang back-to-back champions, inamin ni Kennedy “iDra” Mondoy sa isang eksklusibong panayam sa ONE Esports na hindi pa nagtatapos ang kanilang laban, dahil sasabak pa sila sa Stage 4 ng CODM World Championship 2022.
“Sobrang saya namin kasi nag back-to-back kami pero hindi pa tapos ang laban kasi stage 2 pa lang,” sinabi ni iDra.
Para naman sa sniper ng team na si Jerrold “Woopiiee” Regay, hindi nila inaasahang mananalo sila dahil sa kanilang mga naging kabiguan sa mga nakaraang Garena Masters.
“Unexpected po talaga yung mga nangyari kasi po always kami parang nalalaglag sa lower bracket. Napakasaya sa feeling na kami yung nasa upper hand,” sinabi ni Woopiiee.
Nagpasalamat siya sa Diyos at sa mga walang-sawang sumusuporta sa Smart Omega.
“Unang-una po kay God kasi po bago po kami lumaban bawat game namin lagi kami nag-pre-pray. Doon talaga. Thank you po sa mga fans namin lalo na sa mga parents namin na pumila po ng 12 pm tapos nandito po ng 12 hours ganon para lang suportahan kami,” sabi ni Woopiiee.
Para naman sa team coach na si Bruce “Dev1ce” Cruz, kolektib ang rason ng kanilang panalo at talagang isang team effort ito.
“Para sa’kin kasi not a single one guy can take credit for all the work that we did. So for me, it’s collective, team talaga, and gusto kong pasalamatan yung pagiging hardworking nila, although we made mistakes, may mga close games kami, but still, at the end of it all, we were still able to get the championship,” sinabi ni Dev1ce.
Sundan ang ONE Esports sa Facebook para sa karagdagang balita tungkol sa CODM.