Tinuldukan ng Ultimate E-Pro ang kanilang nagbabagang dark horse run sa pamamagitan ng isang malaking upset victory kontra sa Smart Omega para makuha ang korona sa Call of Duty: Mobile (CODM) Philippines Championship 2021 noong Linggo ng gabi.

‘Di natinag ang Ultimate sa nakaraang 15-0 record ng Omega at ginulantang ang tinaguriang “Kings of Garena” matapos itong palasapin ng 3-0 donut sa unang grand finals match upang mapwersa ang bracket reset.

Susi ang matinik na sniper na si Gian “Yato” Socao sa sweep kung saan nagtala siya ng 19.33 kills, 3.67 assists, 11.67 deaths (1.66 K/D ratio) at 2538.33 score.

Ultimate E-Pro pinaluhod ang Smart Omega, 3-1, sa winner-takes-all grand finals

Dikdikan ang barilan sa unang mapa ng ikalawang serye ng grand finals pero nagawang manaig ng Smart Omega sa Hardpoint sa Firing Range salamat sa clutch play ni Benj “CRUSH” Trinidad na kinuha ang huling puntos sa white warehouse.

Agad na bumawi ang Ultimate E-Pro at winalis ang ex-NRX Jeremiah 29:11 sa Search & Destroy sa Summit bago dominahin ang Domination sa Raid sa pangunguna ni kapitan John Benedict “Jaben” Julio para sa championship point.

‘Di na nagpatumpik-tumpik pa ang ULT sa ikalawang Hardpoint sa Takeoff at tinapos na ang serye para makoronohang bagong hari ng Pinoy CODM pro scene.

Tinanghal na “Soldier of the Game” si Railey “Yobabs” Abrenica sa championship match matapos tumikada ng 19.5 kills, 7.25 assists, 11.0 deaths (1.77 K/D ratio) at 2580 score.

Matapos mabigo laban sa PDR Esports sa playoffs first round, pinataob ng Ultimate ang Fantasma, 3-0, sa lower bracket round 1 at sunod na ginantihan ang PDR, 3-1, para maselyo ang grand finals spot.

Nadakma ng ULT, na kinabibilangan din nila Martin “Tin” Yap, Aj “Eiji” Agbing at Neil “Flex” Perez, ang champion’s prize na P330,000 habang nakakuha naman ang OMG ng P250,000.


Ultimate E-Pro at Smart Omega ibabandera ang Pilipinas sa CODM World Championship 2021-Garena Finals

Credit: Garena Call of Duty: Mobile

Kakatawanin ng Ultimate E-Pro at Smart Omega ang Pilipinas sa Call of Duty: Mobile World Championship-Garena Finals (qualifier) na nakatakdang ganapin sa September 30 hanggang October 10.

Paglalabanan ng 12 teams mula sa PH, Thailand, Singapore, Malaysia, Indonesia at Taiwan ang nag-iisang tiket papunta sa CODM World Championship 2021 presented by Sony na gaganapin sa dulo ng taon ayon sa game developer na Activision.

Matatandaang nag-qualify ang NRX Jeremiah 29:11 (ngayon ay Smart Omega) sa CODM World Championship 2020 matapos pagharian ang Garena qualifier ngunit hindi ito natuloy dahil sa COVID-19 pandemic.

Subaybayan ang pagsabak ng Ultimate E-Pro at Smart Omega sa Garena Finals dito sa opisyal na Facebook at YouTube channel ng Call of Duty: Mobile.