Hindi pumayag magpa-wipe out ang Blacklist International Ultimate sa kanilang match laban ang WDC.Freeslot ng Thailand sa pangalawang araw ng Call of Duty Mobile World Championship 2021—Garena noong Oct 9.
Bagamat natalo sila, 2-1, laban ang WDC sa kanilang unang match sa serye, desidido silang bumangon muli at matuto sa kanilang mga naging pagkakamali.
Paliwanag nina TIN,JaBen, at Flex ng Blacklist International Ultimate na nagkaroon sila ng ‘miscommunication’ sa kanilang Hardpoint at Search and Destroy round, ngunit natutunan nila itong mabawi para makasungkit pa ng panalo sa Domination round.
“Siguro pagusapan yung mga pagkakamali namin as [a] team kung bakit nangyari yung mga errors at kung paano namin itatama yung mga pagkakamali namin. Also, magpractice lang ng practice at magpatutok para lumakas at magimprove pa,” sinabi ni TIN ng Blacklist International Ultimate sa ONE Esports.
“I hope our first loss in the series will help the team distinguish on what aspects our team still needs to improve on,” dagdag ni JaBen ng Blacklist International Ultimate.
“Don’t give up and laging magtiwala sa sarili. Pag natalo, bumawi at wag mawalan ng pagasa,” sinabi ni TIN.
“Sa mga nag susupport samin na tunay kahit talo nandyan pa din kayo hindi kami basta-basta mag papatalo lalaban kami hangang dulo sa mga bashers at hindi naniniwala samin at sa kakayahan ko, diyan lang kayo papatunayan namin na mali kayo na makakapasok kami sa playoffs,” giit ni Flex.
Blacklist International Ultimate vs. WDC.Freeslot match results
Hardpoint Round, SCORE: 150 (WDC.Freeslot) – 89 (Blacklist International Ultimate)
Bagamat nanguna ang Blacklist sa mga unang segundo ng Hardpoint round sa mapang Summit, nakuha kaagad ng WDC ang unang hardpoint para malamangan ang kanilang Pinoy na kalaban.
Gitgitan ang labanan sa pangalawang hardpoint matapos subukan likuran ng Blacklist ang WDC ngunit na-contest agad ito ng WDC.
Lumaki ang lamang ng WDC sa pangatlong hardpoint sa kanilang 30-point lead.
Tila naka-pokus ang mga OBJ ng WDC sa kanilang goal dahil nakuha nila ang pang-apat na hardpoint para makuha ang Hardpoint round ng kanilang match laban ang Blacklist.
Si TIN ng Blacklist ang naging MVP ng round na ito sa kaniyang 28/20/3 KDA.
Search and Destroy Round, SCORE: 6 (WDC.Freeslot) – 4 (Blacklist International Ultimate)
Tila nagmumukhang malabo nang manalo ang Blacklist International matapos makuha ng WDC ang unang tatlong rounds sa mapang Takeoff.
Ngunit hindi sila sumuko at binawi naman nila ang mga sumunod na rounds para makasungkit ng 4 points.
Bagamat nakahabol ang WDC para makakuha ng 6 winning points, kailangan natin pansinin ang effort ng Blacklist lalong-lalo na si Kensh1 at ang kaniyang mababangis na kills gamit ang DL Q33.
Si JaBen naman ang naging MVP sa SND round sa kaniyang 11 kills.
Domination Round, SCORE: 150 (Blacklist International Ultimate) – 110 (WDC.Freeslot)
Ito na ang round kung saan bumawi nang matindi ang Blacklist laban sa WDC sa mapang Standoff.
Bagamat gitgitan ang score sa unang parte ng first round, maagang na-capture ng Blacklist ang B point, hanggang sa umabot pa sila sa isang triple capture sa buong mapa!
Nagwagi bilang MVP si Kensh1 sa kaniyang 25/7/6 KDA.
Tila isang maangas na comeback ang nangyari para sa Blacklist International, kaya dapat natin silang abangan sa mga susunod pang araw ng tournament.
Panoorin ang live broadcast ng Call of Duty Mobile World Championship 2021 – Garena sa kanilang opisyal na Facebook page.
Sundan ang ONE Esports sa Facebook para sa mga updates tungkol sa CoD.