Mula sa 12 koponan, walo na lang ang natitirang makikipagbakbakan sa Arena of Valor World Cup 2021, matapos ang group stage nito noong nakaraang weekend.
Bumida ang mga koponan mula sa Garena Challenger Series (GCS) ng Taiwan pati na rin ang RoV Pro League (RPL) ng Thailand sa nasabing tournament phase. Tatlong slot ang na-secure ng mga teams ng parehong liga para maka-abante sa Knockout Stage.
Sa likod ng mga tagumpay na ito, may iilang manlalaro ang nagpamalas ng kanilang husay sa kani-kanilang roles. Ito ang mga MVP sa bawat posisyon ng AWC 2021 group stage:
Support: Kevin (MOP Team)
Muling pinaalala ng Most Outstanding Player (MOP) Team sa group stage ng turneo kung bakit sila ang hinirang bilang kampeon ng GCS Spring 2021, salamat na rin sa pagpapakitang-gilas ng kanilang roaming support player si Kai-Wen “Kevin” Huang.
Malaki ang naging parte ni Kevin sa tagumpay ng koponan kontra Overclock Esports nang tapusin nila ang unang mapa sa loob lamang ng apat na minuto at 27 segundo noong ika-apat na araw ng group stage.
Hinigitan ng panalong ito ang naunang record ng dtac Talon, na apat na minuto at 56 segundo, bilang pinakamabilis na laro sa AWC 2021.
Mid lane: IpodPro (dtac Talon Esports)
Matapos sungkitin ang pitong MVP titles sa 12 mapa na nilaro ng dtac Talon Esports, wala na dapat duda na si IpodPro ang pinakamagaling sa mid lane noong nagdaang AWC 2021 Group Stage.
Bukod dito, si IpodPro rin ang nagtala ng pinakamataas na KDA sa lahat ng midlaners sa nasabing tournament phase.
Abyssal Dragon: Difoxn (Buriram United Esports)
Isa ang performance ni Parit “Difoxn” Pornrattanapitak sa dahilan upang maselyo ng Buriram United Esports ang kanilang panalo kontra kampeon ng AWC 2019 na si Team Flash nang masira nila ang lahat ng tore ng mga ito nang hindi sila nababasagan kahit isa.
Hindi binigo ng Violet ni Difoxn ang kanyang koponan. Nagtala siya ng mataas na damage sa mga structure upang makuha ang mga objectives, at kalauna’y pati na rin ang kanilang slot para sa susunod na stage.
Nakipagpalit dati si Difoxn ng role sa kanilang team captain na si Sanpett “FirstOne” Marat noong Arena of Valor International Championship (AIC) 2020, pero ngayon ay balik na sa Abyssal Dragon lane ang manlalaro.
Dark Slayer: MarkKy (Bacon Time)
Si Jessadapun “MarkKy” Siriputtanapon ang nagtala ng pinakamataas na KDA record sa kabuuan ng group stage. Siya rin ang nasa likod ng flawless AWC 2021 group stage run ng Bacon Time, matapos nilang pulbusin ang UndeRank, ArchAngel, at AIC 2020 runner-up na Saigon Phantom.
Jungle: QuangHai (V Gaming)
May espesyal na parte sa puso ng V Gaming ang AWC 2021 dahil ito ang una nilang international tournament.
Sa kabila nito, tatlong MVP titles pa rin ang kinuha ng kanilang jungler na si Nguyễn “QuangHai” Quang Hải, isang bagay na talaga namang kahanga-hanga lalo na’t ito ang kanilang debut sa isang major AoV tournament.