Mga anime fans dyan, isama niyo na si Hollywood star Nicolas Cage bilang isa sa ating mga kaanib!
Kamakailan lang sa isang AMA sa Reddit, ibinunyag ng actor-filmmaker na isa sa kanyang mga paboritong pelikula na pinapanood niya ng paulit-ulit ay ang maalamat na Studio Ghibli animation na Spirited Away.
Makailang-beses nang pinatunayan ng batikang artista sa Hollywood na isa siyang certified cinephile. Bilang parte ng sikat na Coppola family at may 40-year filmography na nakapaloob sa isang Wikipedia page, hindi na nakakagulat na nakapanood na si Nicolas Cage ng animated movies kapag wala siya sa set.
Inilahad ni Nicolas Cage ang kanyang pagmamahal sa Spirited Away sa isang Reddit AMA
Bagamat pangunahing itinampok ng AMA ang inside jokes tungkol sa pagiging John Travolta in disguise ni Cage, na konektado sa kanyang pelikula na Face/Off noong 1997, isang Reddit user ang nagtanong kung anu-anong mga palabas ang kaya niyang panoorin nang paulit-ulit.
Dalawang pelikula lang ang inilista ni Cage–ang Apocalypse Now at Spirited Away ng Studio Ghibli.
Hindi na nakakapagtaka na isa sa mga paborito ng aktor ang Apocalypse Now dahil ang kanyang tito na si Francis Ford Coppola ang direktor nito. Ngunit ang Spirited Away ay tila isang outlier kung titignan mula sa kanyang Hollywood perspective.
Bagamat hindi na niya ipinaliwanag nang maigi ang kanyang sagot, nagbigay siya nang ilang detalye patungkol sa kanyang taste pagdating sa mga pelikula.
“[I like] independently spirited dramas. I mean the types of stories and characters that studios are too chicken to touch (Hilig ko ang mga drama na malayang ginawa. ‘Yung tipo ng mga istorya at karakter na takot gawin ng mga studio),” sabi ni Cage.
Swak na swak ang paglalarawan na ito sa Spirited Away. Inilabas noong 2001, ang classic anime film ay tungkol kay Chihiro, isang batang babae na natutunan ang bunga ng kasakiman at konsumoresmo sa isang supernatural bathhouse. Tunay ngang isang spirited drama ito.
Kung ikaw ay fan ni Nicolas Cage, maaari mong makita ang kabuuan ng Reddit AMA thread dito.
Salin ito ng artikulo ni Joseph “Jagwar” Asuncion ng ONE Esports.