Tapos na ang paghihintay, Berserk fans!
Inanunsyo kamakailan ng editing department ng Young Animal, isang Japanese magazine, na magpapatuloy ang kwento ng Berserk manga, sa tulong ng mga pinakamalapit na katrabaho at kaibigan ni Kentaro Miura.
Matapos ang pagpanaw ni Miura noong Mayo ng nakaraang taon, maraming nagtaka kung matutuloy pa ba ang Berserk manga. Bago matapos ang taon, nilabas ng Young Animal ang chapter 364 at volume 41 ng manga, kung saan tampok ang huling illustrations ni Miura para sa serye.
Tatapusin ng kaibigan ni Kentaro Miura na si Kouji Mori ang Berserk manga
Ibinahagi ng Young Animal ang mga detalye tungkol sa kung anong susunod sa Berserk sa isang Tweet. Kinumpirma ng magazine na ipa-publish nila ang huling anim na chapters para sa Fantasia arc bago magsimula ng panibagong arc.
Para mapanatili ang orihinal na vision ni Miura sa mga susunod na chapters at arc, makikipagtrabaho ang magazine kasama ang manga studio ni Miura na Studio Gaga, pati na rin ang matalik nitong kaibigan at manga artist na si Kouji Mori. Simula ngayon, ito na ang magiging credits ng serye: “Original work by Miura, manga by Studio Gaga, supervised by Mori.”
Bagamat walang naiwang rough drafts si Miura para sa Berserk, nabanggit naman ng Young Animal na napag-usapan nila ni Mori ang kwento, at madalas raw ito mag-iwan ng paalala para sa ideya at disenyo ng mga karakter.
“We were reluctant to end his story without sharing these with his fans. Our hope is for everyone to read the last episode that we have put together, until the very last frame,” sulat ng Young Animal.
Bukod sa pahayag ng magazine, ibinahagi rin ni Mori ang kanyang pakikipagkaibigan kay Miura at ang kanyang karanasan sa Berserk. Kasama pala ng supervisor ang orihinal na author noong nakaraang 30 taon nang una niyang gawin ang Eclipse, isang importanteng tagpo sa manga.
Isang linggo raw namalagi si Mori sa pinagtatrabahuhan ni Miura dahil pinapanood niya kung paano nito tapusin ang buong storyline ng Berserk manga. “I think people with good intuition would realize by now that I know the story for Berserk up to the very end,” ani Mori.
Bagamat hindi perpekto ang pag-alala niya sa mga ideya ni Miura, ipinangako naman ni Mori na isasalaysay niya ang kuwento alinsunod sa kung paano ito kinuwento ng orihinal na author.
Ang chapter 365 ng Berserk manga ay ilalathala sa 13th issue ng Young Animal sa ika-24 ng Hunyo ngayong taon.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na akda na matatagpuan dito.
BASAHIN: Resident Evil Netflix series: Kailan ipapalabas, cast, at trailer