Isa sa mga pinaka-inaabangang series ng 2022 ang Chainsaw Man anime, pero maaaring marami pa rin ang hindi pamilyar sa kwento ni Denji at ng Public Safety department.
Para makilala ang mga karakter sa serye, ipakikilala namin kayo kay Aki Hayakawa sa Chainsaw Man, kasama ang mga detalye tungkol sa kanyang background story, personality, at unang beses na lumabas sa manga.
Babala: Ang mga sumusunod ay naglalaman ng spoilers sa unang 13 kabanata ng Chainsaw Man manga.
Sino si Aki Hayakawa sa Chainsaw Man?
Si Aki Hayakawa ay isang supporting character sa Chainsaw Man, isang horror-comedy manga series na sinulat at in-illustrate ni Tatsuki Fujimoto. Naka-set ang serye sa mundo kung saan ang mga demonyo ay nabubuo mula sa takot ng mga tao.
Ipinakilala ni Makima si Aki kay Denji bilang ang una niyang teammate sa Public Safety department. Habang nagpa-patrol nang magkasama, biglang binugbog ni Aki si Denji para sumuko ito sa bago niyang trabaho.
May dahilan naman ang hasang devil hunter kung bakit niya ito ginawa. Binanggit niyang ang mga taong hindi sineseryoso ang kanilang trabaho ay kalimitang napapatay, gaya na lang ng mga nauna niyang partners. Kinukutya niya rin si Denji dahil kinuha niya ang trabaho para mapalapit kay Makima.
Gumanti si Denji sa pagsipa kay Aki. Aniya, mas kumportable na ngayon ang bago niyang buhay bilang devil hunter. Matapos magsapakan, bumalik sila sa opisina ni Makima para ipaliwanag na hindi nila kayang magtrabaho bilang partners.
Kahit wala silang chemistry, nilagay pa rin ni Makima si Denji sa squad ni Aki bilang ang bagong saltang devil-hybrid, isang tao na kayang maging demonyo. Naniniwala siyang papatayin ni Aki si Denji kung sakaling sumuway ito sa mga utos.
Sa una nilang misyon, napuruhan ni Denji ang kanilang kalaban, isang bangkay na sinaniban ng demonyo, gamit ang palakol imbes na ang kanyang mga chainsaw dahil mas matitiis ang sakit nito. Pinagalitan siya ni Aki, aniya’y demonyo pa rin ang mga fiend, at hindi dapat naaawa sa mga demonyo.
Nakwento rin ni Aki na pinatay ng Gun Devil ang kanyang pamilya sa harap niya. Dahan-dahang umalis sa usapan ang baguhan, saka pabulong na ibinunyag na ang totoong dahilan ay ayaw niyang mamantyahan ng dugo ang koleksyon niya ng dirty magazine sa kanyang kwarto.
Bagamat galit sa lahat ng devilkind, pinakikisamahan pa rin ni Aki sina Denji at ang bagong fiend member nilang si Power dahil utang niya kay Makima ang kanyang buhay.
Personality at kapangyarihan ni Aki Hayakawa sa Chainsaw Man
Matured na person si Aki na may striktong mralidad bilang devil hunter. Ang pangingilag niya sa lipunan ay bunga ng pagkakamatay ng mga nauna niyang partners dahil sa trabaho.
Bagamat sa una ay ‘di niya maatim na makipagtrabaho kina Denji at Power, napalagay din naman ang loob niya lalo nang makilala niya ang mga ito nang higit pa sa kanilang devil attributes.
Mahusay humawak ng espada si Aki at may kontrata rin siya sa Fox Devil. Kapalit ng pagpapakain sa devil na parte ng kanyang katawan ay maaari siyang makapag-summon ng higanteng fox na may maraming mata para kainin ang iba pang demonyo.
Unang beses na lumabas si Aki Hayakawa sa Chainsaw man
Sa manga, unang lumabas si Aki Hayakawa sa ikatlong chapter, habang sa ikalawang episode naman sa anime.
Saan mababasa at mapapanood ang Chainsaw Man
Lahat ng 97 chapters ng unang bahagi ng Chainsaw Man, ang Public Safety saga, ay opisyal na mababasa sa VIZ Media website.
Ang anime adaptation naman ay mapapanood simula ika-12 ng Oktubre, tuwing Miyerkules. Masusubaybayan ito sa Crunchyroll at Prime Video.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na akda na matatagpuan dito.
BASAHIN: Pinaka-inaaabangang Fall 2022 anime at release dates ng mga ito