Opisyal nang inanunsyo ang susunod na Demon Slayer Season 3 (Kimetsu no Yaiba) at tampok dito ang adaptation ng anime sa Swordsmith Village Arc ng manga.
Ipinabalita ang paparating na arc gamit ang isang teaser na nagsasabing nagsisimula na ang production nito. Inilabas ang video matapos ang final episode ng Entertainment District Arc na umere nitong ika-13 ng Pebrero.
Anong dapat asahan sa Swordsmith Village Arc ng Demon Slayer Season 3?
Ipagpapatuloy ng anime ang orihinal na manga ni Koyoharu Gotoge na unang ni-launch noong Pebrero 2016, ayon sa opisyal na social media posts. Patuloy lang ang pagsikat ng Demon Slayer matapos hirangin ang Mugen Train movie bilang ang unang film sa Japan na makalikom ng US$346 milyon (₱17 bilyon)sa box office.
Magandang balita rin para sa fans ng anime ang pagbabalik para sa susunod na season ng direktor na si Haruo Sotzaki, character designer na si Akira Matsushima, production studio na Ufotable, at ang main cast.
Tampok sa Demon Slayer Season 3 ang mga pangyayari matapos ang Entertainment District Arc, at pagbibidahan ito nina Muichiro Tokito, ang Mist Hashira, at Mitsura Kanroji, ang Love Hashira. Dalawa sila sa siyam na hashira na ipinakilala noong season 1 episode 22, na pinamagatang “Master of the Mansion”.
Sa anime, matatandaang sinasamahan ng mga bida ang Flame Hashira na si Kyojuro Rengoku sa isang misyon sa Mugen Train Arc. Sinundan ito ng kwento ni Tengen Uzui, ang Sound Hashira na nasa Entertainment District Arc.
Bagamat opisyal pang ilalabas ng studio ang release date ng Demon Slayer Season 3, inaasahan itong ipalabas bandang Setyembre hanggang Disyembre ngayong taon. Posible rin na magsimula ang susunod na arc sa susunod na taon.
Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na akda na matatagpuan dito.
BASAHIN: Anime movies ang top three most watched movies sa Japan ngayong 2021